OrthodoxWiki:Tagalog/Semana Santa

From OrthodoxWiki
< OrthodoxWiki:Tagalog
Revision as of 09:36, May 13, 2016 by FrJohn (talk | contribs) (1 revision imported)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to: navigation, search

Ang Dakila at Banal na Linggo, Mahal na Araw, Linggo ng Pasko, o kaya'y Semana Santa, ay ang linggo bago ang pagdiriwang ng Dakilang Pasko. Nagsisimula ito sa Sabado ni Lazaro, kung kailan sinisimulan alalahanin ng mga Kristiyano ang huling linggo ng buhay ni Jesu-Kristo mula sa muling pagbuhay niya kay Lazaro.

Ang Istruktura ng Semana Santa

Sabado ni Lazaro

Sa Sabado ni Lazaro, na tulay sa pagitan ng Dakilang Kuwaresma at ng Semana Santa, inaalala ang muling pagbuhay ni Jesus kay Lazaro na kanyang kaibigan. Ito ay bilang tanda ng ipinangakong muling pagkabuhay ng lahat ng namatay.

Linggo ng Palaspas

Ang Linggo ng Palaspas ay nagsisimula sa Bisperas sa gabi ng Sabado. Sa umaga naman ng Linggo ay ipinagdiriwang ang Matagumpay na Pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem, bilang Hari na sinasalubong ng mga palmerang palaspas.

Lunes at Martes Santo

Ang Linggo ng Palaspas at ang mga araw na ito ay pinagdadausan ng mga Matinas sa Nimfio, na hinihimok ang mga mananampalataya na magmatyag at salubungin si Kristo na Ikakasal (O Nymphios sa Griyego). Ito ay ginaganap sa gabi ng nakalipas na araw, kaya't ang Nimfio ng Lunes Santo, ang Unang Nimfio, ay ginaganap sa gabi ng Linggo ng Palaspas, atbp.

Ang mga inaalala sa Unang Nimfio ay si Jose na anak ni Jacob, at ang puno ng igos na sinumpa ni Kristo na naging simbolo ng mga taong nakarinig ng Salita ng Diyos ngunit hindi namumunga ng ayon dito.

Ang mga inaalala sa Ikalawang Nimfio ay ang Sampung Birhen na, sa Ebanghelyo, naghintay sa pagdating ng Nimfio sa hatinggabi. Inaalala din ang babaeng nagbuhos ng miro sa paanan ni Jesus habang pinupunasan niya ito ng kanyang buhok, isang mahalagang panawagan upang magtika at magsisi sa mga kasalanan. Tampok sa araw na ito ang Awit ni Santa Kassiani, na kinatha noong ika-9 siglo at tungkol sa babaeng iyon.

Miyerkules Santo

Ang Nimfio ng Huwebes Santo ay ginaganap sa gabi ng Miyerkules Santo, at minsa'y isinasabay o inihahalip ang pagdiriwang ng Banal na Sakramento ng Pagpapahid ng Krisma. Ang Pagpapahid ng Krisma ay nausong ipagdiwang sa Miyerkules Santo ng bawat taon noong mga huling dalawang siglo sa Simbahang Griyego.

Inaalala sa araw na ito ang pagkanulo ni Judas kay Jesus, at ang Huli at Mistikong Hapunan, na siyang aalalahanin sa Banal na Liturhiya ng Huwebes Santo.

Huwebes Santo

Sa umaga ay ipinagdiriwang ang Banal na Liturhiya ni San Basilio, ukol sa paggunita sa Huling Hapunan.

Sa gabi ay ipinagdiriwang ang Matinas ng Biyernes Santo, ang pag-alala sa Dakilang Pagpapakasakit at Kamatayan ni Kristo. Dito binabasa ang Labindalawang Ebanghelyo ukol sa Pagpapakasakit ni Jesus. Ang mga ito ay nagpapahayag ng mga huling habilin ni Jesus sa kanyang mga disipulo, at ang nangyaring pagdakip, pagpapakasakit, paglilitis, at pagkasmatay niya sa Krus.

Biyernes Santo

Sa umaga ng Biyernes Santo ay ipinagdiriwang ang mga Oras ng Hari, hanggang sa idaos ang Bisperas ng Dakilang Sabado, ang Apokathelosis, o ang Pag-alala ng Pagbaba ng Katawan ni Kristo mula sa Krus, bandang hapon. Mayroong prusisyon ng Epitafio (isang larawang nakaburda na kumakatawan sa Santo Entierro o sa patay na katawan ni Jesus) sa loob ng Simbahan, bago ito ilagay sa karo na kumakatawan sa Santo Sepulcro. Ang prusisyong ito ay kumakatawan sa pagpanaog ni Kristo sa Impiyerno.

Sa gabi ay ipinagdiriwang ang Matinas ng Dakilang Sabado, ang Mga Papuri sa Libingan.

Dakilang Sabado

Sa umaga ng Dakilang Sabado ipinagdiriwang ang Banal na Liturhiya Pambisperas ni San Basilio, bahagi ng Magdamagang Pagdiriwang ng Paghihintay sa Dakilang Pasko. Ang inaalala sa araw na ito ay ang pagpanaog ni Kristo sa Impiyerno at ang kanyang muling pagbuhay kay Adan at Eba, ang una sa mga makasalanan. Tampok dito ang Awit ng Pagtindig ng Diyos (Arise, O God), na siyang dating awit pamasko ng Simbahan ng Konstantinopol.

Dakilang Pasko

Mas detalyado: Dakilang Pasko

Ang Dakilang Pasko ang katapusan ng Semana Santa. Ang pagdiriwang ng Dakilang Pasko ay nagsisimula sa gabi ng Dakilang Sabado, malapit sa hatinggabi, at nakapatay ang lahat ng ilaw ng simbahan. Isinisilbi ng mga pari ang Ilaw sa mga tao pagkaawit ng Awit ng Di-Nagmamaliw na Ilaw (Come Receive the Light), at umiikot ang lahat sa paligid ng simbahan. Pagkaraan ng isa o tatlong ikot ay inaawit ang Awit ng Dakilang Pasko, at itinutuloy ang katapusan ng Bisperas at ng Banal na Liturhiya ng Dakilang Pasko. Pagkatapos ng Liturhiya karaniwan ay may handaan upang wakasan ang mga araw ng pag-ayuno.

Sa umaga o hapon ng Araw ng Pasko ay nagdiriwang muli ng Bisperas ng Agape.

Mga Nakasanayang Gawain sa Pasko

Sa Jerusalem, ang Patriarka ay pumapasok sa Santo Sepulcro at kinukuha ang Banal na Apoy. Sa Gresya naman, ang mga itlog ay inihahanda at kinukulayan ng pula. Ang Banal na Apoy sa Jerusalem ay hinihingi rin ng mga Arsobispo ng Gresya at iniluluklok sa Simbahan ng Banal na mga Anargyros.